Skip to main content

Katutubong Laro ng mga Pilipino / Traditional Filipino Games

Kilala rin ang larong Pilipino sa bansag na “Laro ng Lahi" dahil sinasagisag nito ang kulturang tunay na maipagmamalaki ng mga Pilipino. Unang inilunsad ang palarong ito noong Pebrero 10, 1984 sa Laoag, Ilocos Norte sa pangunguna ng Ministry of Education, Culture, and Sports (ngayo'y Department of Education), Office of the Provincial Governor at Office of the Municipal Mayor. Di naglaon ay ibinilang na rin ito sa ilalim ng araling Physical Education ng Bureau of Physical Education and School Sports.­

§  Patintero
Ang larong ito ay masasabing pinakakilalang laro ng mga Pilipino. Patuloy na kumakalat ang popularidad nito sa iba’t ibang lalawigan bagamat mas kilala ito sa Bulacan. Bilis, liksi, at galing sa pagtaya ng kalaban ang pangunahing dapat na isinasaalang alang ng bawat manlalaro. Ang basehan ng pagkapanalo sa larong ito ay ang bilang ng mga manlalarong nakalampas sa bawat guhit nang hindi natataya ng kalaban. Ang isang grupo ay kinabibilangan ng hindi bababa sa 10 miyembro. Maaaring maglaro ng patintero sa kahit anong lugar basta’t nasusulatan ang sahig ng yeso na nagsisilbing hangganan o kaya naman ay mga linyang dapat malampasan ng bawat manlalaro. Bilang pasimula ng laro, maghahagis ang isa ng barya upang malaman kung aling grupo ang mauunang maglaro at kung sinong grupo ang taya.

§  Luksong Lubid
Ang larong ito na binubuo ng tatlo o higit pang manlalaro ay simple lamang na kahit pinagdugtong dugtong na goma ay maaari nang gamitin. Sa larong ito lumulukso ang bawat manlalaro habang pabilis nang pabilis ang ikot ng tali o ng pinagdugtong na mga goma. Kapag tumama ang tali sa paa ng lumulukso, dahilan upang matigil ang pagikot nito ay siyang papalit naman ang ibang manlalaro. Isa pang uri ng luksong lubid ay tinatawag na Chinese Garter. Sa larong ito, tatlo o higit pang manlalaro ang maaaring sumali. Gamit ang garter, lulukso lamang ang bawat manlalaro ngunit hindi tulad ng sa naunang uri, ang garter ay pataas ng pataas: mula sa bukong bukong hanggang sa itaas ng ulo. Kapag matatangkad naman ang iyong mga kalaban at may mahaba kang binti ay malaki ang tsansa ng pagkapanalo. Madalas itong makitang nilalaro ng mga bata sa makikipot na kalye ng Tondo, Manila.

§  Taguan
Isang larong sikat sa mga lalawigan ng Pangasinan, Nueva Ecija at Pampanga, ito ay hango sa larong Ingles na ang tawag ay Hide and Seek. Magandang maglaro nito sa mga lugar na maraming kubo, puno at matataas na halamanan. Kahit ilang tao ay pwedeng sumali, ang kailangan lamang ay may tukuyin na “taya”. Ang sinumang matukoy na taya ay siyang magbibilang ng hanggang 30 habang nakapikit at nakasandal sa puno na nagsisilbing home base. Habang ang taya ay nagbibilang, ang mga kalaro ay naghahanap ng kanya kanyang mapagtataguan. Pagkatapos magbilang ng taya ay hahanapin na niya ang mga nagtago. Ang bawat nagtago naman ay hahanap ng paraan upang makapunta sa home base nang hindi nakikita ng taya sabay sisigaw ng “save”. Maliligtas mula sa pagkataya ang sinumang makapunta dito nang hindi nahuhuli. Matatapos lamang ang laro kung ang lahat ng manlalaro ay nakalabas na sa pinagtataguan.

§  Trumpo
Sa madaling pagsasaliksik ng larong trumpo, makikita mo muna ang sikat at hinahangaang palabas noong 90s. Ito ay pinamamagatang “Tropang Trumpo” na pinagbibidahan nina Ogie Alcasid, Michael V, Gellie De Belen at Carmina Villaroel. Ang nakakatawang palabas na ito ay handog sa larong trumpo. Sa salitang banyaga, tinatawag din ang larong ito bilang Spinning Top sa Ingles, Spun Tsa Lin sa Intsik at Koma Asobi sa Hapon.
Dalawang mahalagang gamit ang kinakailangan upang makapaglaro nito. Una ay ang gawa sa kahoy na hugis ng tulad sa acorn na mayroong pako na nakabaon ang ulo mula sa kahoy at ang pangalawa, isang mahabang lubid na magpapaikot sa kahoy na may pako. Sa oras na mapakawalan na ang kahoy mula sa lubid, marapat na maglaan ng sapat na espasyo ang manlalaro upang magpaikot ikot ito sa iba’t ibang direksyon.
Mahilig maglaro ng trumpo ang mga batang lalaki sa Lanao del Sur. Nasa kanilang lugar rin nagmula ang pinakamalaking trumpo sa Pilipinas; tinatawag itong Batige.

§  Sipa
Tinatawag na Tepak Sakraw sa Indonesia at Sepak Raga sa Malaysia, ang larong ito ay madaling makikita sa lansangan sapagkat mga punit punit at makukulay na plastik at isang takip ng bote o tansan lang ang kailangan. Nilalaro ito sa pamamagitan ng paghahagis at pagsipa pataas gamit ang paa, siko o iba pang parte ng katawan. Kapag sumayad na sa lupa ang tansan, ibig sabihin ay tapos na ang laro. Madalas kang makakakita ng mga batang naglalaro ng sipa sa mga pampublikong paaralan ng Bulacan, pagkatapos ng kanilang mga klase.

§  Bahay bahayan
Katulad ng larong ito ang Titser Titseran (Umaarteng guro) at Doktor doktoran (umaarteng doktor). Sa larong ito ay may mga batang umaarte na tulad sa ama at ina ng isang bahay, partikular na ang nipa hut, at may kasamang beybi na manika. Ang karaniwang ginagawa ng ama dito ay pumapasok sa trabaho habang ang ina na nakasuot ng saya ay naghahanda ng makakain gamit ang mga putik na gawa sa plato at mga damo at bulaklak na nagsisilbing pagkain. Inaalagaan din ng umaarteng ina ang beybi na manika na kanilang anak. Kalat ang kasikatan ng larong ito sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas sapagkat bawat bata ay mismong sa magulang nakakakuha ng ideya kung paano sila gagayahin.

§  Jack-en-poy
Sa Ingles, ang bansag dito ay Rock-Paper-Scissors. Ang larong ito ay naglalayong matalo ang bawat galaw ng kamay sa pagitan ng dalawang manlalaro. Halimbawa, talo ng gunting ang papel, talo ng papel ang bato at talo ng bato ang gunting. Hindi makukumpleto ang larong ito kung wala ang kantang “jack-en-poy, hali, hali hoy! Sino’ng matalo siya’ng unggoy! Kinahihiligan ito ng karamihan sa Maynila.

§  Luksong Baka
Sa larong ito, ang isang manlalaro ay tutuwad ng bahagya habang nakasuporta ang kamay nito sa kanyang tuhod. Ang mga kalaro ay lulukso sa itaas ng taya gamit lamang ang mga kamay. Kapag sumayad ang mga binti ng lumukso sa ibang parte ng katawan ng taya, siya ang papalit dito. Sa mga bukirin ng Pangasinan sikat ang larong pinoy na ito.

§  Siyato
Kung tatanungin mo ang mga bata sa Visayas tungkol sa larong Pitiw (syato), ay kilalang kilala nila ito. Dalawang manlalaro ang maglalaban dito. Kailangan ng bawat isa ang maikling patpat upang magsilbing pamato at mahabang patpat para gawing panghampas nito. Ang maikling patpat ay pumapagitna sa dalawang bato o home base at ang unang maglalaro ay ihahagis ito pataas sabay hataw dito gamit ang mahabang patpat hanggang sa maipalo palayo mula sa home base. Ang napalayong patpat ay pupuntahan ng naghagis at uulitin ang unang ginawa. Titigil lamang ito kung hindi natamaan ang kahoy habang nasa hangin. Ibabalik ito ng manlalaro habang sumisigaw ng “siyato” pabalik sa home base. Kung hindi nakasigaw ng “siyato” ay uulitin nito ang paghagis at paghataw.

§  Palo Sebo

Hindi makukumpleto ang pistang Pilipino kung walang Palo Sebo. Ito ay nilalaro sa pamamagitan ng pag akyat sa mahabang kawayan na nilagyan ng grasa na magsisilbing pampadumulas. Kinakailangan ang malakas at makapit na paghawak sa kawayan upang makaabot sa tuktok at makuha ang premyo. Sa mga lalawigan sa Luzon tanyag ang larong ito sapagkat maraming puno ng niyog (madalas gamitin sa larong ito) ang matatagpuan dito.

Comments