KAMAKAILAN lamang ay natuon na naman ang pansin ng sambayanan sa paglilitis at impeachment ng dating Supreme Court Justice na si Renato Corona. Nung siya ay mag-walk out sa Senado ay naidepensa niya na siya ay may sakit na Diabetes at noo’y nakakaranas ng pagbaba ng asukal sa dugo o yaong tinatawag na “hypoglycemia” dahil sa mga iniinom na gamot.
Ang Diabetes ay isang maiiwasang sakit ngunit sadyang nakakabahala na ang patuloy na paglaganap nito.
Mayaman man o mahirap, bata man o matanda ay walang pinipili ito. Mahigit kumulang sa 194 milyong tao na sa buong mundo ang meron na ng sakit na ito kaya’t sapat na sa mga ekspertong sabihin na isa na itong epidemya. Bukod dito, kalahati lamang sa mga pasyenteng meron nito ang nakakaalam ng tunay nilang kundisyon sa dahilang marami pa rin ang nagsasawalang bahala ng mga masasamang epekto ng diabetes.
Ang mga komplikasyong dulot ng diabetes ay sakit sa puso, stroke, pagkabulag, pagkasira ng bato, hindi paggaling ng mga sugat, pagkaputol ng paa, at pagkawala ng kakayahan sa pakikipagtalik (erectile dysfunction).
Mga pagsusuri upang matuklasan ang diabetes. Ang magandang balita, madali lamang malaman kung ikaw ay may diabetes na. Ang simpleng pagkuha ng “Fasting Blood Sugar (FBS)” o pagkuha ng dami ng asukal sa dugo makatapos di kumain ng anim hanggang walong oras ay mainam na pagsusuri sa pagtuklas kung may sakit na ang isang pasyente.
Ang taong may diabetes ay may FBS na 126 mg/dl o mahigit pa. Ngayon, ang mga eksperto ay may bagong isinusulong na pagsusuri bukod sa FBS. Ito ay ang Hemoglobin A1c (HA1c) o ang pag-alam ng dami ng asukal na nakadikit sa pula na ating dugo (red blood cell). Mas mainam nitong nalalaman ang antas ng asukal sa ating dugo sa loob ng dalawa hanggang tatlong buwan.
Pagkapagod ng “pancreas” o lapay. Sa diabetes, nawawalan ng kakayahan ang ating katawan na kontrolin ang dami ng asukal sa ating dugo. Tumataas ang asukal sa dugo kapag ang lapay ay wala na o di sapat ang paggawang insulin (Type 1 Diabetes), o ang katawan ay di na naapektuhan masyado ng insulin (Type 2 Diabetes).
Ang Type 2 Diabetes ang pinakamaraming klase ng sakit na diabetes at madalas itong makikita sa mga taong mabibigat ang timbang. Ang asukal o glucose ay ang pangunahing pinagmumulan ng enerhiya ng ating katawan. Ang insulin naman ay nagsisilbing parang susi na nagbubukas ng daan ng glucose papasok sa mga cells ng ating katawan upang magamit ito sa paggawa ng enerhiya.
Sa Type 2 Diabetes, ang mga cells ng ating katawan ay di na naapek tuhan ng insulin kaya’t naiiwan na ang mga glucose sa dugo at patuloy na hindi nagagamit. Ang lapay naman, sa kagustuhang maipasok lahat sa katawan ang sobrang glucose sa dugo, ay mas lalong nagtratrabaho upang makagawa ng insulin hanggang sa mapagod ito at tuluyang huminto na sa paggawa. Ang mataas na antas ng asukal sa dugo ay sumisira ng loob ng mga ugat na maaaring magdulot ng atake sa puso at stroke. Ito rin ay sumisira ng mga maliliit na ugat o “capillaries” sa mata at bato na maaari namang magdulot ng pagkabulag at matinding sakit sa bato. Ang mataas na glucose sa dugo ay sumisira rin ng mga “nerves” sa katawan na nagiging sanhi ng kawalan ng sensasyon sa mga kamay at paa. Dahil dito, ang mga sugat ay hindi napapansin kaaagad hanggang sa lumala na lang ito sa impeksyon at tuluyan ng maging dahilan ng pagputol ng kamay o paa na apektado.
Pagkontrol sa Diabetes. Tamang diyeta, ehersisyo, at iba pang pagbabago sa pamumuhay ay makatutulong sa pag-iwas sa diabetes at sa mga taong mayroon na ng sakit na ito. Sa ibang mga kaso, ang pag-inom ng gamot na tumutulong para maging epektibo ulit ang insulin sa katawan ay ginagamit tulad ng “Metformin”.
Ang mga gamot na ito ang humihinto sa paglala pa ng sakit sa buong katawan. Ang mga taong malala na ang diabetes ay nangangailangan na ng dalawa o higit pang klase ng gamot. Ito ay ang mga “sulfonylureas” tulad ng Glibenclamide at Gliclazide na nagpapabuti sa paggawa ng insulin ng lapay, at ang mga “thiazolidinediones” tulad ng Rosiglitazone na nagpapa-inam naman ng epek to ng insulin sa cells ng katawan.
Para maiwasan naman ang magandang pagtunaw ng asukal sa kinakain, pwede ding gumamit ng mga “ alpha-glucosidase inhibitors” tulad ng Acarbose. Kapag malala at matagal na talaga ang diabetes, di na nakakagawa ng insulin ang lapay kaya’t sinasama na rin ang pagtuturok ng insulin sa gamutan nito. Ayon sa mga pag-aaral ang mas maaaga at matinding gamutan laban sa diabetes ay nakakapagpawala ng mga komplikasyon nito.
Pagsimula sa mga pagbabago. Sa dinami dami ng gamot laban sa diabetes nananatili pa ring pinakamahalaga ang tamang pagdidyeta, ehersisyo, at pagbabawas ng timbang. Ayon sa mga pag-aaral, ang tamang pagkain para sa mga may diabetes ay binubuo ng mga sumusunod:
Ø 40% ng calories para sa buong maghapon ay dapat galing sa carbohydrates (sa mga pagkaing may “whole grain”)
Ø 20-30% ng calories para sa buong maghapon ay dapat galing sa protina (ngunit di ito inirerekomenda sa mga taong may sakit sa bato)
Ø 30-35% ng calories para sa buong maghapon ay dapat galing sa fats (sa mga pagkaing may “mono” at “polyunsaturated fats” tulad ng olive oil)
Ø at 20-35 gramo ng “fiber” Para sa pagbabawas naman ng timbang, inererekomenda naman ang pagbabawas ng isang “pound” sa loob ng isa hanggang dalawang linggo sa pamamagitan ng pagbabawas ng 250-500 sa kinakain na calories sa isang araw. Sa pageehersisyo naman, inererekomenda ang 60-90 minutong ehersisyo sa isang araw apat na beses sa isang linggo.
Dapat ay umaabot sa 150-175 minuto ang ehersisyo sa isang linggo. Tandaan, dapat iwasang magkaroon ng diabetes. Sapagkat kung meron na nito ay walang gamot na makapupuksa rito at sa mga komplikasyon dulot
nito. Kapag may diabetes na, maaari lamang nating kontrolin ang paglala nito.
Kaya’t dapat mag-ingat!
Comments
Post a Comment