Skip to main content

Donate Blood and Be a Hero

MARAMING mga aktibidad ang ginagawa ngayon ng Philippine National Red Cross at ng iba’t ibang  Blood Councils sa mga lalawigan na nakatuon sa pagkalap ng dugo sa mga taong boluntaryong nagbibigay nito para sa mga nagangailangan  sa ospital. Ito ay bahagi ng pakikiisa ng iba’t ibang grupo sa pagdiriwang ng “Blood Donors Month” ngayong buwan ng Hulyo.

Ang dugo ng tao ay binubuo ng likidong tinatawag na plasma, o likidong bahagi ng dugo, na naglalaman ng mga pulang selula ng dugo, puting selula ng dugo at platelets, o mga elemento ng dugo na tumutulong sa pamumuo ng dugo.


Bawat bahagi ng dugo ay may espesyal na gamit. Maaaring mabigyan ang isang tao ng dugo o ng bahagi  lamang ng dugo na kailangan, na tinatawag na mga produktong dugo.

Kasama sa mga produktong dugo ang:
   Ø Plasma.
Ito ang likidong bahagi ng dugo. Madalas itong ginagamit  upang madagdagan  ang dami ng dugo sa sistema  pagkatapos ng pagkawalan ng maraming dugo. Ang cryoprecipitate ay isang malapot na pinanggagalingan ng  ilang mga protina ng plasma. Ginagamit ito upang gamutin ang ilang mga problema sa pagdurugo
   Ø Mga pulang selula ng dugo.
Nagdadala ang mga ito ng hangin mula sa mga baga papunta sa ibang  bahagi  ng katawan at pagkatapos ay  dinadala ng mga ito ang carbon dioxide (o nagamit nang hangin) pabalik sa mga baga. 
Ang mababang bilang ng pulang mga selula ng dugo ay tinatawag na anemya. Maaaring kailanganin ang  pagsasalin ng pulang selula ng dugo upang gamutin ang anemya.

   Ø Mga puting selula ng dugo.
Tumutulong ang mga ito upang labanan ang impeksiyon, mga bakterya at iba pang mga materyal na  pumapasok  sa  katawan. Kapag masyadong bumaba ang bilang ng puting selula ng dugo, tinatawag itong   Neutropenia. Maaaring kailanganin ang pagsasalin ng puting selula ng dugo upang gamutin ang Neutropenia.

   Ø Platelets, o mga elemento ng dugo na tumutulong sa pamumuo ng dugo.
Tumutulong ang mga ito upang mamuo ang dugo. Isinasalin ang mga elementong ito ng dugo kapag  masyadong mababa ang bilang ng mga ito sa dugo.
Ang Pagsasalin sa Inyo ng Dugo. Ang pagsasalin ay isang paraan ng pagbibigay ng mga produktong dugo sa  pamamagitan ng pagpapadaloy dito papunta sa karayom na nakatusok sa pasyente (intravenous IV catheter). Kayo at ang inyong doktor ang magdedesisyon kung kailangan ninyo ng dugo o mga produktong  dugo upang pagalingin ang isang problema. Bago ang pagsasalin sa inyo, isang muwestra ng inyong dugo ang kukunin upang malaman ang tipo ng inyong dugo at maitugma ito sa dugo ng tagapagbigay. Tinatawag itong cross matching. Ginagawa ito upang mabawasan ang pagkakaroon ng reaksiyon.
Kausapin ang inyong doktor kung nagkaroon na kayo ng isang reaksiyon o taluhiyang (allergy) sa anumang produktong dugo. 
Mga Palatandaan ng Reaksiyon.
Kahit na masusing itinutugma ang dugo sa tipo ng inyong dugo, maaaring magkaroon ng reaksiyon. Ang mga  reaksiyon ay nangyayari lamang sa kaunting bilang ng mga tao na nakakatanggap ng mga produktong dugo.
Kapag nagkaroon ng reaksiyon maaari itong gamutin.
Karamihan  sa mga reaksiyon ay nangyayari habang tinatanggap ninyo ang dugo o mga produktong dugo o kaagad pagkatapos ng pagsasalin.

Kasama sa mga palatandaan ng reaksiyon ang mga sumusunod:
Ø Mga pamamantal o makating balat
Ø Lagnat
Ø Pangingiki
Ø Pagkahilo
Ø Sakit o kirot sa dibdib
Ø Paghabol sa paghinga
Ø Sakit sa likod
Ø Sakit sa pinagturukan ng karayom
Habang isinasagawa ang pagsasalin, ang dugo ay ibibigay sa pamamagitan ng salaan sa isang tubo na  nakakabit sa tubong daluyan ng dugo na nakakonekta sa inyong ugat (intravenous [IV] catheter). Ang  pagsasalin ay maaaring magtagal hanggang apat na oras.
Madalas kayong titingnan upang makita kung magkaroon ng reaksiyon o ibang problema. Titingnan ang  inyong temperatura, pulso at presyon ng dugo. Sabihin kaagad sa inyong nars kung mayroon kayong  anumang mga palatandaan ng reaksiyon habang isinasagawa ang pagsasalin sa inyo. Kapag nakauwi na,  kelangang tawagan kaagad ang inyong doktor kung mayroon kayong anumang mga palatandaan ng  reaksiyon sa bahay pagkatapos ng pagsasalin sa inyo. Sa madalang na mga kaso, nagkakaroon ng reaksiyon  ilang araw o linggo pagkatapos ng pagsasalin.

Tawagan kaagad ang inyong doktor kung magkakaroon kayo ng alinman sa mga palatandaang ito:
Ø Matingkad na kulay ng ihi
Ø Paninilaw ng balat o ng puti ng mga mata
Ø Lagnat, ubo, pagtulo ng malabnaw na uhog sa ilong o pananakit ng kalamnan

Mariing pinaalalahanan ang mga magbibigay ng dugo na hindi sila dapat nakainom ng alak sa nakalipas na 24  oras bago magbigay ng dugo. Dapat sila ay walang tattoo sa katawan at body piercing sa loob ng anim na  buwan, hindi buntis, at higit sa lahat ay handa ang kanilang mga kalooban para magpakuha ng dugo. Dapat  ito bukal sa loob at boluntaryo. Kausapin ang inyong doktor o nars kung mayroon kayong anumang mga   katanungan  o alalahanin.Tandaan na ang tema ng pagdiriwang ngayong taon ay, “Every Blood Donor is a  Hero.” Kaya maging bayani, ngayon na!

Comments