ATAKE sa puso ang madalas nating kinakatakutan. Sa mga pelikula ay madaling malaman kung ang isang tao ay inaatake sa puso.
Ang biktima ay biglang magpapawis, hahawak sa kanyang dibdib ng mahigpit, at magsasabi ng matinding pananakit ng dibdib bago sya bumagsak sa sahig. Ito ang tipikal na hitsura ng isang inaatake sa puso ayon sa mga libro ng medisina.
Subalit kung ikaw ay matanda na, babae, may diabetes ay malamang na hindi ganito ang mangyari sa iyo kung inaatake sa puso.
Ang atake sa puso ay isa sa nangungunang sanhi ng kamatayan sa Pilipinas. Bawat taon ay libo-libong Pilipino ang inaatake sa puso at halos 35% nito ay nakamamatay.
Halos kalahati din ng mga nauuwi sa kamatayan ay nagaganap sa loob ng isang oras mula nang maramdaman ang unang sintomas nito at kalimitang bago pa makarating sa ospital. Kung magkagayon ay mahalagang malaman natin ang mga sintomas ng atake sa puso upang madali tayong kumilos upang mapigilan ito at iligtas ang ating buhay.
Magugulat kayong malaman na ang ilang sintomas nito ay kakaiba at kalimitan ay aakalain nating walang kinalaman sa ating puso.
MGA BABALA
Ang atake sa puso ay nagaganap kapag ang dugong dumadaloy patungo sa isang bahagi ng ating puso ay nababarahan. Ang bahaging ito ng puso ay nawawalan ng oxygen at namamatay sa loob ng ilang oras.
Ang atake sa puso ay maaaring magsimula sa hindi nakababahalang pagbigat ng dibdib. Ito ay kalimitang hindi pinapansin ng marami at pwedeng pabalik-balik lamang. Ang mga tipikal na sintomas ng atake sa puso ay pananakit ng dibdib, kapos na paghinga, pagkahilo at pagsusuka.
Anumang sintomas na may kasamang hirap sa paghinga ay masasabing ang pinakamasamang kombinasyon ng sintomas. Ang isang taong dating kinakayang umakyat panaoog ng ilang ulit sa hagdanan at biglang kinakapos ng paghinga sa unang pagkakataon pa lamang ay isang masamang pangitain.
KAKAIBANG MGA SINTOMAS
Kung minsan ang pagkirot ay wala sa dibdib kundi na kaliwang braso, sikmura o maging sa panga. Ito ay sa dahilang ang ating puso ay walang mga ugat na nagdadala ng pakiramdam na katulad ng sa ating mga daliri. Sinusubukan ng pusong na magpadala ng mga senyales na may masakit dito subalit wala itong mga tamang kable na pagdadaanan ng mga senyales kaya’t magulo ang mesaheng nadarama ng ating katawan.
Kung minsan ay inaakala rin ng marami na simpleng pananakit lamang ng sikmura ang kanilang nararanasan. Ang mga kababaihan, matatanda at mga may diabetes ay ang mga kalimitang nakararanas ng mga hindi pangkaraniwang sintomas ng atake. Ang totoo, 64% ng mga babaeng namamatay sa sakit sa puso ay walang nararamdamang kahit anong sintomas.
Ang mga matatanda ay tila hindi rin nagrereklamo sa mga pagbabago sa kanilang katawan sapagkat inaakala nila na ito’y bahagi lamang ng pagtanda. Halimbawa nito ay ang kakapusan ng paghinga kapag naglalakad o umaakyat ng hagdanan.
Kung hindi sigurado sa nararamdaman ay mabuting pumunta agad sa pinakamalapit na ospital upang maeksamin ng doktor at masigurong hindi ka inaatake sa puso. Sabi nga ng matatanda “It’s better to be safe than sorry.” Walang masama kung maniniguro para sa ating kalusugan.
ANO ANG DAPAT GAWIN?
Kapag inaatake sa puso ay mahalaga ang bawat minuto. Sa emergency room ay agarang aalamin ng mga nurse at doktor kung ang puso ay namamatay at kung kailangang obserbahan at manatili pa ng ilang araw sa ospital. Mahalagang malaman na kapag humingi ng tulong dahil sa atake ay mabuting ngumuya ng Aspirin maliban na lamang kung ikaw ay allergic dito o may sugat sa tiyan na dumurugo (ulcer). Ang Aspirin ay makatutulong upang maging malabnaw ang dugo at maayos na makadaloy sa mga ugat. Sapagkat bawat Segundo ay mahalaga ay sabay sabay na kukunin ang iyong temperature, presyon, pagtibok ng puso at pagtatanong ng mahahalagang impormasyon ukol sa iyong kalusugan. Kasabay na rin nito ang pagkuha ng dugo upang maipaeksamin sa laboratoryo at pagkakabit sa iyong dibdib ng mga aparatong titingin ng kondisyon ng iyong puso (cardiac monitor at ECG). Mayroong mga simpleng eksaminasyon sa dugo na nagsasabing may bahagi ng pusong namamatay subalit ang mga kemikal na ito ay maaaring nagiging abnormal lamang ilang oras matapos ang atake sa puso.
Atake sa Puso!!! Kapag nasigurong ikaw ay inaatake sa puso ay maaring dalhin ka sa isang laboratoryo kung saan ang isang doktor ay may may ipapasok na aparato sa ugat na papunta sa puso upang malaman kung may nakabara dito. Ito ay tinatawag na “cardiac catheterization”. Ang aparatong ipinasok sa iyong ugat ay siya na ring gagamitin upang tanggalin ang barang nakita doon nang sa gayon ay agarang maibalik ang daloy ng dugo sa puso. Ang pamamaraang ito ay nakapagliligtas ng buhay ng hanggang 40% kung maisasagawa sa loob ng dalawang oras simula nang magbara ang ugat. Ang dalawang oras na ito ay tinatawag ng mga doktor na “gintong oras ng tamang pagkakataon”. Kung wala namang ganito pamamaraan sa ospital na iyong napuntahan ay pinakamabisang solusyon ang mga gamot na tumutunaw ng bara na diretso sa ugat o tinatawag na “thrombolytics”. Tulad ng naunang proseso ay mahalaga rin itong maibigay sa loob ng dalawang oras at hindi lalampas sa 12 oras. Kung maraming ugat ang nabarahan ay maaari ring irekomenda ng iyong doktor ang operasyong ”coronary artery bypass”. Ang operasyon ay kalimitang isinasagawa makalipas ang ilang linggo upang bigyan ng panahon ang puso na maging malakas bago isabak sa operasyon. Habang nasa ospital ay maraming pagsusuri ang gagawin tulad ng x-ray ng dibdib, echocardiogram at threadmill o mga pagsusuri sa kakayahan ng puso sa harap ng isang pisikal na aktibidad na kalimitang mula sa paglakad hanggang sa pagtakbo. May mga gamot na napatunayang may mabuting dulot sa mga inaatake sa puso tulad ng nabanggit nang Aspirin at gayundin ang Clopidogrel at Trimetazidine.
Medicines that can lower cholesterol are important to take as well because the fats are the one that are blocking our veins. So remember to ask your doctor about medicines that can lower cholesterol if you have diabetes and high blood.
ANG ORAS AY BUHAY
Kung makararanas ng pananakit ng dibdib na tumagal ng 15 minuto o anumang sintomas na sa palagay ninyo’y atake sa puso ay huwag mag aksaya ng oras. Agad na tumawag ng tulong sapagkat sa bawat oras na lumlipas ay may kalamnan ng pusong namamatay. Ano naman ang gagawin kung hindi sigurado sa nararamdaman? Humingi pa rin ng tulong o magpunta pa rin sa ospital upang makasiguro. Pagdating sa atake
sa puso ay tandaan na kung mas maagang malulunasan ay mas maraming bahagi ng puso ang maililigtas at higit na mabilis ang paggaling nito.Itabi ang artikulong ito at basahin ng paulit-ulit. Ang natuklasan mo ngayon ay maaaring magligtas sa iyong buhay sa darating na panahon!
Comments
Post a Comment